Sunday, February 8, 2009

Isang Sanaysay: Si Tatay


Si Tatay…: an Essay-Writing Contest Winner



1980 ako ipinanganak. Tatlong taon bago pinatay si

Ninoy Aquino at anim na taon bago ang EDSA uprising.

Taon ding ito nang nagkaroon ng malaking krisis sa

langis ang buong mundo. P24.00 ang palitan ng dolyar

sa piso at 48 milyon na ang populasyon ng Pilipinas.

Ito rin ang taong unang pumunta

ng Middle East ang tatay ko para magtrabaho.

Isang karpintero ang Tatay. Isang skilled worker.

Malaki ang pangangailangan ng bansang pupuntahan ni

Tatay sa mga katulad niya. Sabi ng Nanay mahirap daw

ang buhay noong mga panahong iyon. Inabot na raw ang

bansa ng economic depression na galing sa Europa at

Amerika. Kaya minabuti ng Tatay na mag-abroad. Anupa’t

dalawa ang pinag-aaral niya at may bago na naman

siyang bibig na pakakainin.

Parating pinapaalala sa amin ng Nanay na “nagtiis

kaming magkahiwalay ng tatay ninyo para magkaroon tayo

ng maginhawang buhay.” Palibhasa’y parehas galing sa

hirap, kaya siguro ganoon na lamang ang pananaw nila.

Uuwi kada dalawang taon, tapos aalis na ulit

pagkalipas ng dalawang buwan. Ganyan ang

pattern ng buhay ng tatay ko.

Pumutok ang giyera sa Middle East noong 1989. Doon ko

unang narinig ang mga salitang Operation: Desert Storm

at Third Anti-Christ. Nandoon din si Tatay. Isang

beses lamang siya nakatawag sa loob ng tatlong taon

niyang pagkaka-stranded sa bansang iyon. Mabuti naman

daw ang lagay niya. May tirahan naman daw sila at

husto sa lahat ng pangangailangan. Hindi naman daw

sila gagalawin sa giyera sabi ng embahada ng Pilipinas

dahil hindi naman daw sila kasali sa awayan ng

dalawang bansa at ng pakialamerong Amerika. Iyon naman

pala eh, bakit ka pa rin nandyan?! Na-imagine ko na

lang tuloy ang Tatay na parang isa sa mga sibilyan na

dumadaan habang nakikipagbarilan ako sa larong

Operation: Wolf sa SM City. Nang mahawi ang mga usok

ng giyera umuwi na ang Tatay. Wala pang isang taon ay

nakita ko na naman ang aking sarili na nakasakay sa

arkiladong dyip para ihatid ang Tatay sa Airport

papuntang Middle East . Ikaw ba naman ang magkaroon ng

pinag-aaral na nurse, isang seminarista at tatlo pa sa

elementarya. Kailangang kumayod, kailangang kumita.

Kung tutuusin maraming na-miss ang Tatay sa buhay

naming magkakapatid, lalo na sa akin. Wala siya nang

una akong magtalumpati sa entablado. Wala din siya

nang grumadweyt ako ng elementarya at hayskul. Wala

siya nang una akong nakipagsuntukan sa kaklase ko nang

inasar ako nito habang binibigay ko ang libreng

plastic na singsing na galing sa cheese curls sa

kaklase kong babae. Wala din siya para turuan akong

magbasketbol tulad ng ginagawa ng mga kapitbahay ko sa

kanilang anak. Wala rin siya para panoorin si Kuya na

contestant sa Student Canteen at ako naman para

sabitan niya ng medalya para sa mga math competition

na sinalihan ko. Wala siya nang dumating ako sa punto

ng aking buhay, na siya ring kinakatakutan ng lahat ng

katulad kong nagbibinata- -ang magpatuli. Wala rin siya

para turuan akong maglanggas. Wala siya nang

kauna-unahang lumabas ang pangalan ko sa dyaryong

pang-estudyante bilang isang editor. Ipinagtabi ko

siya ng mga kopya para maipagmalaki sa kanyang

pagdating. Wala siya nang una akong tumikim ng alak

dahil binasted ako ng dinidigahan kong babae. Wala rin

siya nang sumubok akong manigarilyo at itapon ito

pagkatapos ng dalawang hithit pa lang.

Wala siya, wala siya parati.

Napansin ko na lamang na mas naiibuhos naming

magkakapatid ang oras naming sa labas ng bahay at sa

eskwelahan. Ang Ate ay kagawad ng Sangguniang

Kabataan, ang Kuya naman ay matagal nang kinuha ng

seminaryo, ang dalawa kong kapatid ay may mga sarili

nang kina-career at ako naman ay natutuon sa aking

pagsusulat.

Dumating ang isa sa pinakamasayang araw ng buhay ko,

ang pagdating ng Tatay at sabihing ito na ang huli

niyang uwi dahil hindi na siya babalik ulit sa abroad.

Makalipas ang ilang buwan, trinangkaso ang Tatay. Sabi

ng doktor ay overfatigue lang daw at kailangan niyang

magpahinga. Pagkaraan nang ilang buwan, na-diagnose na

may tumubong tumor sa utak ng Tatay at malignant na

ito. Minsan naitanong sa akin ng uncle kong doktor

kung nauntog ba ang Tatay o nabagsakan ng mabigat na

bagay sa ulo. Nahihiyang ngiti, kamot sa ulo at isang

“hindi ko po alam” lang ang naisagot ko.

Kung gaano kabilis na nadiskubre ang tumor niya sa

utak ay ganun din kabilis na binawi sa amin ng Diyos

ang Tatay. Habang pinagmamasdan ko ang Tatay habang

mapayapa itong nakahimlay noong

burol niya, nahihirapang tumulo ang luha ko. Kung

tutuusin, hindi ko kilala ang taong ito. Siya ang

tatay ko. Kalahati ng pagkatao ko ay galing sa kanya.

Pero kung tatanungin mo ako kung anong gusto niyang

timpla ng kape, kung allergic ba siya sa hipon na

paborito ko, kung San Miguel o Purefoods ba ang team

niya sa PBA–isang malaking EWAN lang ang maisasagot

ko sa iyo. Noong bata pa ako, nasa abroad ang Tatay.

Kapag nandito naman siya para magbakasyon, mas

malaking oras ang nagugol niya sa pag-aasikaso ng mga

papeles niya para sa susunod niyang pag-alis. Nang

tumigil na siya sa pagtatrabaho, ako naman ang abala

sa mga reports, periodical examinations at mga

research works. Nang nasa ospital na siya, kahit

makipagkuwentuhan ay mahirap nang gawin dahil halos

hindi na siya maintindihang magsalita dulot ng

chemotherapy.

Matagal nang patay ang Tatay. Minsan nabalitaan kong

dumating na ang seaman na tatay ng boss ko, pilit ko

siyang pinauuwi nang maaga. Minsan ding buong

kawilihan kong pinagmamasdan ang isang kaibigan ko na

nagmamadali dahil baka masaraduhan na siya ng grocery.

Kailangan niyang makabili ng

ingredients ng spaghetti dahil ‘yun daw ang bilin ng

tatay niyang na-stroke. Minsan rin nang makainuman ko

ang matalik kong kaibigan habang binubuhos niya sa

akin ang sama ng loob niya sa pagbabalik ng tatay niya

na malupit sa kanila nang mahabang panahon at

ipinagpalit sila sa ibang babae. Sa tingin ko lang,

“Buti ka pa nga may Tatay pa.” Syempre hindi ko sinabi

iyon sa kanya. Baka mamaya tanungin pa niya ako kung

kanino ako kampi, kami pa ang mag-away. Minsan din

sinamahan ko ang kababata ko nang dinalhan niya ng

pansit ang tatay niya sa City Jail. Hindi naman sila

nagtatanong kung bakit ako ganun. Wala naman silang

alam kay Tatay.

Maraming pagkakataon na nanghihinayang ako dahil

masyadong maaga ang paghihiwalay namin ng Tatay. Gusto

kong sisihin ang Pilipinas dahil napakahirap ng buhay

dito. Sa Amerika ba may tatay na nangingibang- bansa

para makapagtrabaho lang? Naisip ko tuloy na sumama na

lang sa mga nagpipiket na mga migrante dahil alam ko

tulad ko rin sila. Kadalasan rin sinisisi ko si Saddam

Hussein at ang Gulf War dahil kinuha nila ang tatlong

taon sa buhay ng Tatay. Sayang ang tatlong taong iyon.

Nakalaro ko man lang sana ang Tatay ng basketbol o di

kaya’y naturuan niya akong mag-bike. (Beinte anyos na

ko nang matuto mag-bike).

Isa sa mga klase ko sa writing ang nagpasulat sa amin

ng kahit ano tungkol sa aming mga tatay, samahan pa ng

larawan kung maaari. Bigla tuloy akong nalito. Hindi

ko alam kung anong tungkol sa Tatay ang isusulat ko.



Ikuwento ko kaya na isang Overseas Contract Worker si

Tatay. Isang bagong bayani. Nag-aambag ng malaki sa

ekonomiya ng Pilipinas. Sabihin ko kayang may larawan

ng tatay kong may suot na hard hat na dilaw,

construction boots at may hawak na drill at kasama

niyang nakangiti ang mga kapwa niyang

Pilipino with matching background na disyerto. O kaya

ang larawan nilang magkakababayan habang pinagdiriwang

nila ang New Year at nag-iiyakan dahil tinutugtog and

Lupang Hinirang. Ang drama no?

Kuwento ko kaya na isang survivor ng Gulf War ang

Tatay. Na natutulog siya at ipinaghehele ng mga

Patriot at Scud Missiles. Pakita ko kaya ang mga

remembrance ng Tatay na mga dull na landmines.

Adventure naman ang dating nito.

Kuwento ko kaya kung paano hindi nagpabaya ang Tatay

sa pagbibigay ng pangangailangan namin. Hindi kami

sumasala sa pagkain, may magagandang damit, maayos na

tirahan at nakakapag-aral. Siya ay naging isang good

provider. Siguro isang malalim na buntong hiningang

“Haaaaaay!” ang ibibigay sa akin ng mga kaklase ko.

O di kaya’y dalhin ko ang picture ni Tatay habang

kini-chemotherapy siya. Ikwento ko din kaya na naging

mabilis ang lahat ng mga pangyayari. Na inoperahan

siya sa loob ng walong oras at binutasan ang ulo niya.

Na nakalabas pa siya ng ospital. Pagkatapos ng isang

linggo, agad siyang namatay. Tragic naman ang approach

ko nito.

Gayahin ko kaya ang kuwento sa telebisyon na tipong

galit na galit sa mundo ang anak dahil hindi ito

nabigyan ng sapat na atensyon dahil inuna ng kanilang

tatay ang pinansyal nilang pangangailangan. Teka,

hindi naman totoo yon eh! Napaka-unfair naman ‘nun kay

Tatay.

Ikuwento ko na lang kaya ang isa sa mga magagandang

alaala namin kay Tatay. Apat na taon ako noon. Malinaw

na malinaw pa sa alaala ko ang pangyayari. Kadarating

lamang ng Tatay pagkaraan ng dalawang taon. Nagkaroon

ng simpleng party sa bahay. Kainuman niya ang mga

kumpare niya nang tumayo siya at binuhat ako mula sa

kuna ko habang pinaglalaruan ko ang bagong matchbox na

pasalubong niya sa akin. Inutusan niya ako na ikuha

siya ng beer sa refrigerator. Pagkakuha ko ng beer ay

kinandong niya ako at buong pagmamalaki na ibinida sa

mga kumpare niya na natanggap na raw ako sa local na

Day Care Center dahil abot na ng kanang kamay ko ang

aking kaliwang tenga kahit idaan pa sa ibabaw ng ulo

ko at matatas na ako magsalita at madali raw akong

matuto. Matagal din akong nanatili sa pagkakandong

niya. Mistula siyang bagong dating na hari na

suot-suot ang kanyang korona. Ako ang kanyang korona.

Kapag naaalala ko ito, napapawi ang lahat ng

panghihinayang ko sa mga taong kailangan niyang

magtrabaho at mawala sa piling namin. Mga panahong

kasama ng mga tatay nila ang mga anak nila. Ito na

lang ang isusulat ko. Bago ang lahat, pupunasahan ko

muna ang mga luha ko at ang patulo ko ng sipon. Baka

mapatakan pa ang keyboard ng computer at ang hawak

kong picture. Picture ng isang paslit na may hawak na

bote ng beer habang kandong ng tatay na kitang-kita

ang kasiyahan sa mukha.

Feedback:
Nang mapasali ako sa isang pagtitipon ng mga Pinoy dito sa Nagano, isang Catholic Bishop ang speaker din noon. Sa mensahe nya, ang family breakdown ang isang naging epekto ng programang OFW na di nasasagot ng OWWA at ibang ahensya ng pamahalaan. Eto ang isang punto ng Episcopal Commission for Migrant Workers ng CBPC.
Sa ibang simbahan, basta may donasyon lang ang mga migrante sa kanilang simbahan, ayos na. Sindihan na lang nila ng kandila, at bigyan ng magandang send- off ceremony pag namatay ang isang OFW. Aray ko!
Sana, tayong mga nasa ibang bansa, wag nating kalimutan ang mga bagay na mas importante sa pangangailangan ng ating pamilya at mga anak. Di nabibili ang kaligayahan. Di rin eto natutumbasan ng materyal. Nakayanan naman ni tatay o ni lolo natin na buhayin ang malaking pamilya natin sa di pagpunta sa ibang bansa.

O sige na nga…. kung kailangan ngang mag OFW, dalhin na lang ang mga anak at asawa para walang family breakdown. Hirap namang may asawa nga sa isang taon e minsan ka lang makakasiping ng asawa. May asawa ka nga, pero sa panahon at gabi ng pangangailangan, “gawaing binata” ka pa rin!?!? Ano ba yan! Natitiis mo ba sa isa o dalawang taon? Great saint!!!! o di kaya idaan mo na naman sa dasal sabay sabihing, “Sorry po Lord, tao lang po!”

Aray ko!

No comments: