Wednesday, November 21, 2007

Mabikas ng Ifugao


Ifugao- Kapag marinig mo ang pangalan ng lugar na Ifugao, iiisang bagay agad ang titimbre sa utak mo. Ito ay ang rice terraces doon.

Dating parte rin pala ng Mountain Province ang Ifugao ngunit nahati na rin eto. Ang Lagawe, Mayoyao, Banaue na kung saan andoon ang sentro ng turismo at ang naging sensesyonal na bundok ng Battad na sakop pa rin ng Banaue. Di ko na matandaan pa ang ibang lugar na binanggit ni Leon sa akin na sakop ng Ifugao.

Kung pagbabalik-tanaw din lang ang layunin, magandang puntahan ang lugar, at damhin mo ang kultura nila sa pamamagitan ng pakikipagkaisa sa kanila tulad ng pagsuot ng kanilang damit, pagkain ng kanilang kinakain, pakikisawsaw sa kanilang kultura at kung ano pang mga gawain.

Kung ang amerikanang peace corps volunteer ba ay nanilbihan doon at pumunta nang nag-isa sa Battad noon, ang tanong ay bakit kailangan nyang pumuntang nag-iiisa doon? At bakit sya pa na isang dayuhan sa lugar na yon?

Ikaw na tagadoon, kakayanin mo bang pumunta sa lugar na di mo kabisado nang nag-iisa? Lugar na tila puno ng tamis ng kalikasan, kulturang di napapantayan at sakop na ng kasaysayan at lugar na kilala na rin ng halos lahat ng mamamayan sa bansang iyon?

Tila nakakahiya rin kung ikaw na taga-Pilipinas ang di nakakaalam sa mga lugar ng iyong bansang sinilangan. Pero sa sitwasyon ng karamihan, di rin nila makayanang puntahan ang mga lugar na eto. Pero marami rin namang paraan na makilala at matunghayan ng bawat isa ang mga magagandang kasaysayan ng ibat-ibang lugar ng ating bansang Pilipinas.

Sa Mayoyao ako unang lumapag at umikot sa Probinsyang Ifugao. Andoon ang mass grave ng mga hapon. Ang pamilyang Magangat ang una kung nakilala doon. Ang bundok ng Battad ay sakop din ng Banaue ngunit medyo may kalayuan din sa sentro ng sikat na Banaue. Ang mga rice terraces nila sa ibat-ibang parte ng Ifugao ay tila naging paraan ng kanilang pagsasaka para sa kanilang ikabubuhay libo-libong taon na ang nakalipas. Ngunit kung iisipin mo ang kanilang pagkultura sa mga bundok upang maging palayan na hugis hagda-hagdan, parang di mo mabilang ang mga araw, buwan at taon para patapos ang isang bundok na gawing rice terraces. Ang pag akyat-baba na lang sa isang bundok ay nakakahika sa isang edad kuwarenta-singkong tulad ko. Ang teamwork ng mga Ifugao ay nakakamangha kung tutuusin. Ang kanilang kreatibiti at inobesyon para maisip na gawing palayan ang mga nakahilirang bulubundukin ay pag-iisip ng di basta-bastang tao lamang. Gawain eto ng gifted na tao o tribu.

Sa lamig ng simoy sa lugar doon, at suot nilay bahag nga ba lamang, makikita mo rin ang angking kalusugan at linis ng lugar upang makayanan ng mga taga-Ifugao ang kanilang pang-araw-araw na buhay doon lalo na ang pag sasaka at paglikha ng hagda-hagdang sakahan.

Mabikas! Matibay! Malakas! Eto ang isang angking kagandahan ng mga Ifugao!

Salamat Leon sa di malilimutang bahagi na ng buhay ko, ang pagdala mo sa akin sa Ifugao, at sa pangalang iyong inihandog, Mabikas!

Mabuhay ang Ifugao!

No comments: